"The history of mankind is carried on the back of the horse."
--Anonymous
Namana niya pa sa kanyang ama ang hanapbuhay na ito.
Araw-araw, mula sa kwadro ng mga kabayo sa Caloocan sa ganap na ika-9 ng umaga, bumibyahe siya ng kalahating oras patungong Binondo para mamasada ng kanyang kalesa sa kalakhang Maynila.
Ang kanyang kabayo, na bagaman ay lalaki, ay pinangalanan niyang Petra.
Pinapakain niya ito ng pinagsamang tubig, balat ng palay, at sapal ng taho.
Minsan sa isang araw, binibigyan din niya si Petra ng pulut-pukyutan, sa halip na asukal.
Noon, karaniwan siyang kumikita ng 500 piso sa maghapong pagbiyahe, pero dahil sa pagsulpot ng mga traysikel at kuliglig sa Binondo at mga karatig na lugar, kumikita na lamang siya ng 300 piso sa isang araw.
Mayroon siyang anim na anak, pawang lahat ay nag-aaral at pinagkakasya nilang pamilya ang kinikita niya sa pagkukutsero.
Minsan, kapag sinuswerte, maganda ang kanyang nagiging biyahe kapag maraming mga turista ang nais maglibot sa Maynila--mula Binondo, Roxas Boulevard, hanggang Intramuros.
Magiliw sa pagsagot ng mga katanaungan si Mang Toto. At nagsilbi rin siyang tour guide sa aming biyahe. Ipinapaliwanag niya ang aming mga nadadaanan, nagbabanggit ng mga pahapyaw na impormasyon sa mga gusaling natatanaw at iba pa.
Aniya, mayroon siyang asosasyon ng mga kutsero na kinabibilingan na aprubado ng Munisipyo ng Maynila.
Bagaman maaaring bumiyahe sa loob ng Intramuros ang mga tulad ni Mang Toto, kapansin-pansin ang mga kalesang tila suportado ng lokal na pamahalaan o di kaya ng Kagawaran ng Turismo--sila iyong may mga unipormeng barong, at mga pintadong kalesa, at tila praktisado sa pag-aanyaya sa wikang Ingles sa mga banyagang turista.
Sa Binondo, ay marami ang katulad ni Mang Toto ang naghihintay ng pasahero.
Pagsapit ng tanghali, nanananghalian siya sa katabing karinderia ng pilahan ng mga kutsero, o 'di kaya ay sa loob ng kalesa niya kakainin ang kanyang bagong pananghalian. Pagsapit ng ika-5 ng hapon ay bibiyahe na muli sila ni Petra pauwi.
At sa gitna ng mga lansangan sa lungsod na puno ng mga de-motor ng sasakyan, kaiba ang tunog ng palatak ng paa ng mga kabayong tulad ni Petra na tila paunti-unti nang humihina at naglalaho.