24 April 2012

Ano pa ba kung hindi 'Salamat'

Kaiba sa karamihan ng mga kakilala ko, wala ako masyadong naramdamang excitement sa pagtatapos. Siguro nakahinga lang ako ng maluwag at sa wakas ay nakagraduate din ako--natapos ang mga requirements, ganyan. Pero hindi ko maparisan yung kaligayahan at pagdiriwang na ginawa ng karamihan sa mga kakilala kong kasabay kong nagtapos. Hinayaan ko na lang ang mga kamag-anak ko ang mag-celebrate para sa'ken.

Sabi ni Lourd de Veyra sa talumpati niya sa kolehiyo namin, noong araw daw ng graduation niya sa college, "...kaming tatlo ng best friends ko ay naglalasing, nagdadalamhati na masisira na ang buhay namin." Ang sinabi niyang ito lang ata ang makakapaglarawan ng nararamdaman ko. Gayunpaman, marapat pa rin sigurong pasalamatan ko ang unibersidad na tumanggap sa'kin sa loob ng ilang taong pamamalagi ko sa kolehiyo.


Para sa pagkakataong matuto mula sa mga institusyong nagsisilbing haligi ng akademyang pambansa. Para sa pagpapaalala na maraming bagay sa mundo ang naghihintay na aralin at paghusayan, kailangan lang ng disiplina at maigting na pagnanais na matuto. Para sa Sunken Garden na walang kaparis, bilang tambayan at kanlungan. Para sa sa pagpapatibay ng pagkahilig ko sa panitikan--para sa mga murang libro! Para sa santambak na readings, sa paglilinang ng diskarte para maisagawa ang mga kailangang tapusin.  Para sa pagpapaalala na anuman ang matutunan at gagawin ay dapat isinasaalang-alang ang nakararami--ang taumbayang nagbabayad ng buwis para sa edukasyon namin--at ang importansya ng honor at excellence. Para sa pagiging pangalawang tahanan, sampu ng mga mayayabong na puno at luntiang kapaligiran sa lahat ng dako. Para sa kulturang katangi-tangi, mula sa salita at kaugalian hanggang sa pagiging bukas ng kamalayan. Para sa pinakasarap na tapsilog na natikman ko. Para sa pagkakataong makapag-ambag sa napiling larangan. Para sa karapatang makapagsuot ng sablay, kasabay ang mga responsibilidad na kaakibat nito. Para sa pagpapaintindi na hindi imposible ang "magpalipad ng saranggola sa ulan," ayon nga sa awit ni G. Gary Granada.

At para sa iba pang 'di mabilang na dahilan. Maraming salamat, UP.

No comments :