12 January 2012

'Lahat ng bagay ay mayro'ng hangganan...'

Minsan sa may Kalayaan tayo'y nagkatagpuan
May mga sariling gimik at kanya-kanyang hangad sa buhay.
Sa loob ng kulang dalawang linggo, may kasaman kami sa opisina na aalis na. Doon na sa ibang bansa siya maninirahan kasama ang kanyang pamilya. Iilang buwan lang namin siya nakasama, pero mabilis na gumaan ang loob ng buong team sa kanya. Maalalahanin kasi siya, sobrang mabait, malambing, nakakasabay sa mga biruan, at madaling pakisamahan. Mas uunahin ka muna niyang alukin ng pagkain niya bago siya kumain. Minsan, noong galing ako sa dentista at 'di makakain ng maayos, pinagdalhan niya ako ng peaches dahil malambot ito.

Noong una akala namin ay hindi siya makaka-adjust sa ugali ng mga tao sa team. Para kasing sobrang refined niya. Pero sa maikling sandali, kasama na siya sa mga kalokohan at nakikipagkulitan na din. Nalaman ko pa na maraming pagkakaparehas ang mga interes namin. Kaya parang gusto ko tuloy pabagalin ang oras para mas matagal namin siyang makasama.
Ngunit ngayon, kay bilis maglaho ng kahapon.
Sana'y 'wag kalimutan ang ating mga pinagsamahan.
Medyo mahina ako sa pagpapaalamanan, lalo na kapag naging malapit ako sa isang tao. Siguro kaya matagal akong "mag-open up" sa mga bagong kakilala, minsan umaabot ng taon kahit na palagian naman kaming magkasama. Ayoko kasi ng pakiramdam ng iniiwan. Sabagay, sino nga naman ba?
At kung sakaling mapadaan, baka ikaw ay aking tawagan
Dahil minsan tayo ay naging tunay na magkaibigan.
--Mula sa "Minsan" ng Eraserheads (Circus, 1994)


P.S. Kung mababasa mo ito--Kamusta ka na? :)

No comments :