1. Tanda raw ng pag-ibig ang pagpapakumbaba; sa iyong pagpapaubaya at pagpapatawad ay natututunan ko na hindi ko kailangang paligiang maging tama.
8. Sa bawat haplos, bawat yakap, bawat akbay, nararamdaman ko ang pagkalinga, ang pagsalag mo sa anumang maaaring makasakit sa akin. Para bang sinasabi, "Ako na muna. Ako na lang."
16. Kung maaari sana, nais kong marinig ang lahat ng hinaing at tanong mo sa mundo. Hinding-hindi mo kailangang ilihim o ipagpaliban na malaman ko ang anuman na tungkol sa'yo. Hindi ka perpekto, lalong hindi ako. Kaya bakit pa itatago?
18. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang tila walang hanggan mong kabaitan at malasakit. Sa panahong tila uso ang pagsasarili at pag-iwas sa pagpapakita ng kahit kaunting kahinaan, walang atubili kang nagtitiwala at kumakalinga.
21. Bukas ka sa mga bagong ideya at pananaw. Lagi kang handang unawain ang mga posibilidad, mga kakaibang hinuha. Hindi sa hindi ka humuhusga, kundi bukas ang iyong kaisipan na maraming bagay ang hindi mo alam at handa kang matutunan.
28. Para sa isang taong tulad ko na tila isang diretsong pagkakasunod-sunod ang mga pinagdaanan, ang iyong mga naranasang liko at balikwas, mga hinto at karipas, mga pasulong at paatras, ay patuloy na pupukaw ng aking haraya.
29. Sa gitna ng duda at taranta, ng kawalan ng tiwala sa sarili at pangangamba, nariyan ka lang nagpapaalala at matatag na gabay. "Huwag kang mag-alala," tila iyong bigkas. "Hindi ka nag-iisa."
Tatlumpung Dahilan Kung Bakit Mahal Kita (O Mga Muni-muni sa Pag-ibig) | 20150816